Sam, may offer uli sa Dos; Derek, wala pa rin
NAKAKAISANG buwan na pala si Sam Milby sa New York, at nakawalong auditions naman siya para sa bagong TV shows doon.
Sa huling linggo ng Abril pa malalaman kung may napasahan si Sam.
Masayang ibinalita ng manager ni Sam na si Erickson Raymundo, kararating lang galing New York, na masaya sila sa mga feedback na naririnig nila. Pagkatapos ng audition ay pinababalik ulit ang binatang aktor para sumubok sa iba pang shows.
“Ang style pala roon, kapag interesado sa iyo ang isang caster ay sasabihan kang bumalik. `I think you’re better in drama. So `pag ganu’n na sinabihan ka, it’s a good sign pala kasi gusto nila talaga si Sam, may nagko-call back kasi,“ kuwento ni Erick.
Para sa lead role at second to the lead ang auditions ni Sam at sa drama, sitcom at reality pala siya bagay.
“`Yan ang mga kategoryang magkakasama, hiwalay naman ang action,“ dagdag ng manager ng aktor.
“Malaking advantage talaga na may agency si Sam doon. `Yung agency mismo ang nagpapadala kay Sam sa different roles, for regular role, hindi guesting o extra lang.
“Mahirap kung walang agency kasi wala kang back-up. So happy si Sam sa experience niya roon. Whatever happens, hopeful naman si Sam na may makukuha siya. ‘Pag may nakuha siyang projects, ang usual taping is September kaya uuwi muna siya ng Pilipinas by May at saka siya babalik doon ng September,” kuwento ni Erick.
“Basta babalik at babalik doon si Sam for pilot season whether may makuha siya o wala.”
Baguhan man o beterano, dumaraan sa auditions para sa pilot season ng mga programa sa Amerika.
“Maraming mga datihan na, may mga familiar faces kaming nakita, di ba nga, kapag pilot season lahat nagpupunta roon from different countries at ‘yung iba, isang taon ang inaabot just to use of the audition system.
“Kasi ang audition system pala, from January 15 to first week of May, ganu’n nila kakalkulado talaga, ‘tapos ang daming shows, nasa 40 shows pala ang sa bawat network kaya aabutin sa 300 shows lahat na hindi naman sabay-sabay mag-eere kasi ‘papa-approve pa, kaya magti-taping sila ng pilot at saka ipapakita. Ang kagandahan, maski na hindi pa umeere bayad ka na (unlike dito hindi kababayaran
kung hindi umere). ‘Tapos by September, ‘yun na ‘yung taping ng series,” kuwento pa ng Cornerstone Talent agency owner.
Babalik si Sam ng Pilipinas sa huling linggo ng Mayo at may naghihintay na raw na soap drama at isang pelikula sa Star Cinema.
Timing ang uwi ng aktor dahil sa Mayo ang airing ng nasabing soap na aabot ng Agosto, at in between ay magso-shoot siya ng pelikula. Unang linggo ng Setyembre, balik-Amerika si Sam.
Bago bumalik ni Sam doon, saka pa lang daw siya pipirma ng kontrata sa ABS-CBN. Ang ikinatataka namin, nag-offer ang ABS-CBN management ng projects with corresponding talent fee kay Sam samantalang kay Derek Ramsay ay wala?
Kahit nasa US si Sam ay nakakaraket pa rin siya. Sa isang buwan niya roon ay nakatatlong shows siya kasama si Angeline Quinto, ‘tapos kasama rin ang aktor sa apat na shows na Teleserye Bidas (leading men of ABS-CBN) handog ng TFC at may inquiries din as solo performer para sa mga event.
“So, income wise, bawi rin siya kung anuman ‘yung hindi niya kinikita sa Pilipinas,” say ni Erick.
http://www.balita.net.ph/2012/03/sam...k-wala-pa-rin/
No comments:
Post a Comment